Inihain nina Reps. Eddie Villanueva, Benny Abante, Bernadette Herrera-Dy, Michael Romero, Allan Reyes at Domingo Rivera ang House Bill 9230 o tinatawag na Public Health Emergency Anti-Negligent and Corrupt Practices Act.
Sa ilalim ng panukala, kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang: negligence o kapabayaan sa pagbuo ng kinakailangang government response sa public health emergency; kapabayaan sa pagkuha ng mga gamot, bakuna, supplies at pasilidad na kailangan sa pagpigil o paglaban sa banta sa kalusugan; at delay o pagkaantala sa disbursement ng mga pondo na para sa emergency response.
Nakasaad din na bawal ang hindi paglalabas ng kumpletong epidemiology data, lalo na kung may tangka itong itago ang tunay na sitwasyon ng public health emergency; gross violation ng standard health protocols na inilatag ng pamahalaan; at pagpasok sa anumang kontrata o transaksyon kung saan dehado ang publiko.
Sa oras na maging batas, ang Office of the Ombudsman ay inoobliga na magtalaga ng Special Officer na tututok sa mga opisyal ng pamahalaan na irereklamo dahil sa paglabag sa mga nabanggit.
Ayon kay Bro. Eddie, hindi lamang dapat parusahan ang mga opisyal na sangkot sa kurapsyon, suhulan, o pandarambong at sa halip ay papanagutin din ang mga opisyal na pabaya, iresponsable, o hindi nagagawa ng maayos ang kanilang trabaho lalo na sa panahon ng krisis tulad ng kasalukuyang pandemya.
Sa panig naman ni Romero, sa kasagsagan ng pandemya o anumang health emergencies ay hindi dapat ipaubaya ang kapangyarihan sa mga pabayang opisyal lalo’t buhay ng mga tao ang nakasalalay dito.
Iginiit nito na walang lugar ang kurapsyon sa panahon ng krisis-pangkalusugan.