Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang Health Procurement and Stockpiling Bureau, sa ilalim ng Department of Health o DOH.
Layunin nito na matiyak ang pagkakaroon ng “access” ng publiko sa mga gamot, bakuna, mga kagamitan at iba pa na kritikal o kailangang-kailangan sa panahon ng health emergencies, gaya ngayong may COVID-19 pandemic.
Hangad din ng Stockpiling Bill na maiwasan na ang mga naging problema sa kakapusan ng mga suplay ng mga face mask, PPE, ventilator, at RT-PCR test kit at mga makina.
Nauna nang naaprubahan ang panukalang batas sa House Committee on Health.
Ayon kay Quezon Rep. Angelina Helen Tan, na siyang may-akda ng panukala, napapanahon at tiyak na malaki ang maitutulong ng panukalang batas sa health system ng ating bansa.
Nakita aniya sa nararanasang pandemya ang pangangailangan na maihanda ang mga gamot, bakuna at kahalintulad, bilang “proactive measure” sa health emergencies.
Tiniyak naman ni Tan na hindi matetengga sa mahabang panahon ang mga gamot, bakuna at iba pang mga kagamitan, upang agad na mapakinabangan ng publiko at maiwasan ang expiration o pagka-sayang ng mga ito.