Hinikayat ni Senator Christopher Go ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na ang ibigay na vaccine card sa OFWs ay iyong kikilalanin sa ibang bansa.
“Sa ngayon, may ibinibigay na vaccination cards para doon sa mga nabakunahan na. Kailangan lang siguraduhin na acceptable ito na pruweba kahit saan man sila magpunta. Usap-usapan ngayon ang pagkakaroon ng vaccine passports. Dapat mapaghandaan ito ng mabuti,” pagdidiin nito.
Aniya napakahalaga na pinag-aaralan ang pagbibigay ng vaccine passport dahil may mga gobyerno na requirement ito para makapasok sa kanilang bansa.
Nakasaad sa Republic Act 11525, obligado ang DOH na magbigay ng vaccine card sa mga naturukan na ng bakuna na proteksyon laban sa COVID 19.
Inulit din ng namumuno sa Senate Committee on Health na hindi dapat maging kampante ang mga nabakunahan na at kinakailangan pa rin aniya ang ibayong pag-iingat.
“Porke’t nabakunahan ka na, hindi naman ibig sabihin na hindi kailangan sumunod sa health protocols. Hanggang hindi pa nararating ang herd immunity, hindi pa po ligtas. Mag-ingat pa rin dapat at magmalasakit tayo sa mga kababayan natin na posibleng mahawahan ng sakit,” aniya.