Gobyerno hiniritan ni Sen. Manny Pacquiao na magtayo ng food banks

Naniniwala si Senator Manny Pacquiao na mababawasan ang bilang ng mga nagugutom na Filipino kung wala lang naibabasurang sobrang pagkain.

Bunga nito, inihain ni Pacquiao ang Senate Bill 1364 o ang Food Waste Reduction Act para magkaroon ng sistema, na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, para mabawasan ang bilang ng mga Filipino na nagsasabing nakakaranas sila ng gutom.

Ayon sa senador nakakabahala na 3.29 kilo ng bigas ang nasasayang ng kada Filipino bawat taon at kung ito ay pagsama-samahin ay sapat para mapakain ang 4.3 milyon katao.

Paliwanag ng senador sa kanyang panukala, ang mga sobrang pagkain ng mga kainan sa bansa ay kailangan ibigay na lang sa mga bahay-kawanggawa o food banks.

Dapat din aniya i-recyle ang mga pagkain na hindi na maaring makain para gawing abono upang mapakinabangan pa.

“This edible food surplus, instead of being thrown away and wasted should  be better utilized by donating  it to the millions of hungry  Filipinos while the  inedible food surplus be recycled as raw materials for compost or fertilizer,” ayon senador.

Read more...