Sinabi ni Atty. Fhilip Sawali, chief of staff ni de Lima, na ang naging impresyon ng doktor sa senadora ay na-mild stroke ito.
Ayon pa kay Sawali kinakailangan na sumailalim sa magnetic resonance imaging (MRI) ang senadora at walang kagamitan sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ibinahagi din nito na dumaing na si de Lima ng pananakit ng kanyang ulo at panghihina ng katawan.
Nabatid na pinayagan na rin si de Lima ng Muntinlupa RTC Branches 205 at 256 para masuri sa ospital ng tatlong araw simula bukas.
Noong Miyerkules naghain sa dalawang korte ang kampo ng senadora ng very urgent motion for medical furlough dahil sa nararamdaman nito sa katawan.
Ipinagbawal ng dalawang korte na magbigay ng anumang pahayag sa media ang kampo ng senadora at kung kakailanganin na manatili ito ng higit sa tatlong araw sa ospital ay kinakailangan na maghain ng panibagong mosyon ang kanyang mga abogado.
Noon lang Pebrero 9 dinala din sa ospital si de Lima para naman sa kanyang mga naantalang medical check-ups.