Angel Locsin sa nangyaring insidente sa birthday community pantry: “I am very very sorry”

Kuha ni Fritz Sales/Radyo Inquirer On-Line

“I am very very sorry”

Ito ang naging pahayag ng aktres na si Angel Locsin para humingi ng paumanhin sa nangyaring insidente sa inorganisang community pantry para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

Sa Facebook, kinumpirma ni Locsin na totoo ang balitang may inatake at nasawing senior citizen habang nakapila sa community pantry sa bahagi ng Barangay Holy Spirit sa Quezon City.

“Sa tingin ko, tama lang po na sa akin ninyo na marinig na totoo po ang balita na may inatake at namatay habang nasa pila ng community pantry. Senior citizen po sya na pumila daw po ng 3am at may naka-initan sa pila,” ayon sa aktres.

Napaulat na inatake ang 67-anyos na si Rolando dela Cruz at idineklarang dead on arrival nang isugod sa ospital.

Humingi ng tawad si Locsin sa naiwang pamilya ng senior citizen.

“Kanina po pinuntahan at nakapagusap po kami ng personal ng mga anak nya sa ospital. At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila,” aniya pa.

Maliban dito, bumuhos din ang mga tao sa naturang community pantry kung saan hindi na nasunod ang social distancing.

Sa ngayon, tinatapos na lamang aniya ang mapamamahagi ng mga pagkain sa mga nakapila.

Ani Locsin, “Ang iba po sa kanila ay xerox na ang order sheet nila pero nauunawaan po namin na lahat po ay hirap ngayon at tama lang po na mabigyan sila.”

Mayroon na rin aniyang itinayong fast lane na may tent at upuan para sa mga senior citizen.

“Pero hindi naman po ibig sabihin na ini-encourage po namin ang mga seniors na lumabas at alam po natin na bawal po according sa iatf rules,” paalala naman ng aktres.

Pagkatapos nito, sinabi ni Locsin na ido-donate na lamang ang mga natitirang goods sa ibang community pantries at barangay.

“Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali. Sana po’y wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari,” dagdag pa ni Locsin.

Bibigyang prayoridad aniya niya ang pagtulong sa naiwang pamilya ng senior citizen.

“Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this,” ani Locsin.

Read more...