3 hinihinalang Abu Sayyaf, arestado

 

Nahuli ng mga militar ang tatlong hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf sa isang operasyon na isinagawa sa Basilan.

Ngunit, bukod sa impormasyon na nahuli ang mga nasabing suspek sa bayan ng Tipo-Tipo, wala nang ibinigay pang ibang detalye si Western Mindanao Command spokesperson Major Filemon Tan Jr.

Ayon naman kay Army 1st Infantry Division, commander Maj. Gen. Gerardo Barrientos, hawak na nila ang mga pangalan ng mga suspek

Gayunman, isasailalim pa aniya sa inquiry ang mga nasabing suspek, at ipapaubaya na nila sa mga operational forces sa Basilan ang pagtukoy kung ang mga ito nga ay mga miyembro ng Abi Sayyaf.

Kasabay ng ulat nito, lumabas ang impormasyong sinasabi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Joint Ceasefire Monitoring Force na may ilang sibilyan at isang kasapi nila ang naaresto kasunod ng enkwentro ng Abu Sayyaf at mga militar na ikinasawi ng 18 sundalo.

Ayon sa miyembro ng MILF na si Jong Aujal, nakabalik siya sa kanilang tahanan sa Brgy. Baguindan makaraang payagan siya ng isang opisyal ng barangay na kunin ang gamit ng kaniyang pamilya.

Habang kinukuha niya aniya ang kanilang mga gamit, biglang pinasok ng mga Marines ang kanilang tahanan at kinaladkad siya palabas.

Sinabi pa ni Aujal na nag-salitan pa ang mga ito sa pag-sipa at pananakit sa kaniya hanggang sa hindi na halos siya makalakad.

Isa namang sibilyan na si Hakim Maruan ang kritikal ngayon ang kondisyon matapos umanong gulpihin ng mga sundalo.

Mariin namang itinanggi ni Tan na may alam siya tungkol sa nasabing pangto-torture ng mga sundalong ipinadala sa Basilan.

Read more...