Magkasunod na araw na naitala sa Cabanatuan city sa Nueva Ecija ang pinakamainit na heat index sa bansa ngayon taon.
Noong Martes, naitala ang 52.3 degrees Celsius na temperatura sa nabanggit na lungsod at nilagpasan nito ang naitala na 51 degrees noong Lunes.
Sa Clark airport sa Pampanga, naitala ang 51.9 degrees celsius, samantalang 50.2 degrees celsius naman sa Sangley point sa Cavite City, ayon sa PAGASA.
Dito sa Metro Manila, ang heat index kahapon ay 46 degrees Celsius.
Paliwanag ng PAGASA, bagamat ang temperatura ng hangin sa mga nabanggit na lugar ay naglaro mula 34 hanggang 37 degrees Celsius lang, ang sinasabing relative humidity ay nagdagdag ng 15 degrees Celsius sa heat index.
Ang 41 hanggang 54 degrees Celsius ay itinuturing ng ‘danger level’ at sa oras na ito ay tumaas pa, ito ay nasa ‘extreme danger’ na at posible na ang heat stroke.