Tulad ng ibang senador, sinabi ni de Lima na makakatulong kung ang pondo ng NTF-ELCAC ay ibigay na lang sa mga benipesaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), gayundin sa iba pang economic amelioration program para sa mga mahihirap na Filipino.
“Gamitin natin ang pondo sa pagkain at kabuhayan kaysa sa tsismis at pang-iintriga,” sabi ni de Lima.
Kaugnay naman sa naging pahayag ni NTF-ELCAC spokesman, Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., na naghalintulad kay satanas kay Ana Patricia Non, ng Maginhawa Community Pantry, ang buwelta ni de Lima; “Imposibleng si Satanas ang kumausap kay Patreng, taliwas sa sinabi ni Gen. Parlade. Hindi naman lumalabas ng Malacañang si Satanas.”
Puna nito, nagagawa ng gobyerno na kumilos laban sa mga community pantry, ngunit bigo naman sa pagsasagawa ng contact tracing.
“Sa panahon na marami ang naghihikahos, may mga tao si Duterte na pinapasuweldo ng taumbayan para mang-api sa mahihirap at pahirapan ang mga tumutulong. Ano ba ang ginawa nila Parlade, Badoy, at NTF-ELCAC maliban sa pagkakalat ng tsismis sa mga tumutulong sa nangangailangan?” tanong ng senadora.