Sa online meeting ng komite kasama ang DOH-NCR, sinabi ng kongresista na nasaksihan niya mismo bilang Covid-survivor ang hirap ng healthcare workers.
Hindi aniya biro ang panganib na sinusuong ng mga ito sa araw-araw na pagtupad ng tungkulin, idagdag pa ang posibilidad na maiuwi sa kanilang pamilya ang sakit.
Ayon sa kongresista, ang tanging magagawa ng gobyerno para sa frontliners sa public at private sector ay matiyak na naibibigay sa kanila ang mga benepisyo at allowances na itinakda ng batas.
Una nang naghain ng mga panukala si Lopez na layong kilalanin ang kabayanihan ng COVID-19 frontliners.
Kaugnay nito’y pinasusumite ng mambabatas sa direktor ng DOH-NCR ang listahan ng lahat ng health workers na nahawa ng COVID-19 kabilang ang mga nasawi sa sakit.
Base sa datos ng DOH, hanggang nitong March 26 ay nasa 15,662 ang kabuuang bilang ng healthcare workers na tinamaan ng COVID-19 kung saan 82 ang namatay.