Panawagang pagtanggal ng pondo sa NTF-ELCAC, hindi makatarungan – Palasyo

Photo grab from PCOO Facebook video

Hindi makatarungan para sa Palasyo ng Malakanyang na tanggalan ng pondo ang
National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Tugon ito ng Palasyo sa panawagan ng mga senador na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at i-realign ang P19 bilyon para gawing cash subsidy.

Ikinadidismaya kasi ng mga senador ang red-tagging ni NTF ELCAC spokesman Lt. General Antonio Parlade sa mga organizer ng community pantry.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi justified ang pasya ng mga senador.

May mga programa aniya ang NTF ELCAC na magbibigay ng asenso at progreso sa mga lugar na may mga rebelde.

“Ang pagkakaalam ko po iyong pondo ng ELCAC ay para po sa mga proyekto na magbibigay ng asenso at progreso sa mga lugar na mayroon pang mga rebelde. So, sa akin po hindi naman po justified. Hayaan nating gawin nila ang katungkulan nila kung mayroon talaga ilang opisyal na ginagawa diyan. Pero ang polisiya po ay malinaw, ” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte kung saan pinupuri nito ang mga community pantry.

Bahala na aniya si Defense Secretary Delfin Lorenzana kung sasawayin si Parlade sa kanyang mga kontrobersiyal na pahayag sa red-tagging issue.

Read more...