Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga bahagi ng higher priority groups na magparehistro para sa bakuna kontra COVID-19.
Kasabay ito ng pagbibigay ng ‘go-signal’ sa pagbabakuna ng basic education frontliners.
Ayon sa DepEd Task Force COVID-19 (DTFC), nagpaalala ang kagawaran sa lahat na parte ng higher priority groups, katulad ng mga tauhan ng school health, senior citizens, at indibiduwal na may comorbidities, na maari na silang magparehistro para sa bakuna bago ang roll-out para sa mga indibiduwal na kabilang sa A4 priority category.
“We would like to encourage all of our personnel to coordinate with their local government units so they can be vaccinated against COVID-19,” pahayag ni Sec. Leonor Briones at aniya, “This will play a huge role in our bid for our learners’ return to school.”
Inaasahang masisimulan ang COVID-19 vaccination sa mga teaching at non-teaching personnel sa darating na June 2021 matapos aprubahan ng IATF ang apela ni Briones na itaas ang prioritization para sa mga guro at kawani mula category B1 hanggang A4.
“Napakalaking jump nito para sa mga teachers, magandang magandang balita para sa lahat,” sabi pa ng kalihim.
Pinaalalahanan naman nito ang mga tauhan ng DepEd na magbase lamang sa mga opisyal na datos gaya ng Department of Health (DOH) website at social media accounts ng mga LGU para sa tamang impormasyon sa COVID-19 pandemya, bakuna, at programa para sa pagbabakuna.
“I am encouraging everyone to be proactive in learning about the vaccine and the vaccination program, and to make an informed choice about the matter,” ani Briones.
Paalala pa sa mga tatanggap ng bakuna, tandaan ang mga detalye sa kanilang pagbabakuna, kasama resgistration at vaccination card para sa pagsasaayos ng mga tala at pagsubaybay sa loob ng DepEd.
Sa polisiya ng DepEd, makikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga LGU at kinauukulang ahensya para magtatag ang sariling database sa pagbabakuna.