Aabot sa 14 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang inaasahang darating sa bansa sa ikalawang quarter ng 2021.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., 500, 000 doses ng Sinovac ang dumating noong Abril 11.
Huwebes ng hapon, Abril 22, 500,000 doses ng Sinovac ang darating habang sa Abril 25 ang 15,000 doses ng Sputnik V ng Gameleya Institute sa Russia.
Sa Abril 29 naman ay darating ang panibagong batch na 500, 000 doses ng Sinovac at 480, 000 doses ng Sputnik.
Sa katapusan naman ng Abril ay 195,000 doses ng Pfizer ang inaasahang darating din sa bansa.
Hindi pa kasama rito ang posibleng pagdating ng AstraZeneca vaccines na manggagaling sa COVAX facility.
Pagsapit naman ng Mayo, sinabi ni Galvez na may inaasahang dalawang milyong doses ng Sinovac na darating sa bansa.
Isa hanggang dalawang milyong doses naman ang inaasahang pagdating ng Sputnik V habang 194,000 doses naman ang sinisikap nilang makuha mula sa Moderna.
Possible rin aniyang mag-deliver ang COVAX facility ng isa hanggang dalawang milyong doses ng Pfizer gayundin ng AstraZeneca.
Sa Hunyo naman, sinabi ni Galvez na may inaasahan silang pito hanggang walong milyong doses ng bakuna.
4.5 milyon dito ay Sinovac, dalawang milyon ay Sputnik V ng gamaleya, at 1.3 milyon ng AstraZeneca.
Maliban pa rito ang posibleng deliveries ng COVAX facility para sa Pfizer at AstraZeneca.
Dahil dito, kumpiyansa si Galvez na magtutuluy-tuloy at mas magiging mabilis ang bakunahan sa bansa.