ARTA, nagsagawa ng surprise inspection sa Manila City Hall

Nagsagawa ng surprise inspection ang mga tauhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Manila City Hall partikular sa Local Civil Registrar matapos makatanggap ng ulat na maagang cut-off time.

Ayon kay ARTA Director General Jeremiah Belgica, kailangang malaman ang katotohanan sa mga reklamo lalo’t bawal sa polisiya ang maagang cut-off time.

Halimbawa rito ang kukuha sana ng death certificate, pero sinabihan ng tauhan ng Local Civil Registrar ng Manila City Hall na ubos na raw ang numero dahil hanggang 300 lamang ang papayagang makapila at maa-accommodate.

Ayon naman kay Atty. Cris Tenorio, chief ng Civil Registrar, dapat maunawaan ni Belgica na may pandemya.

Sa katunayan, 30 porsyento lamang sa kanilang empleyado pinapayagang makapasok dahil umiiral pa ang skeletal work force.

Aabot pa aniya sa 10 sa kanilang empleyado ay tinamaan ng COVID-19 habang ang iba ay naka- quarantine at isa na ang namatay.

Maging si Atty. Tenorio ay na ospital ng dalawang linggo dahil sa COVID-19.

Tiniyak naman ng City Registrar na mag-oovertime na sila para maasikaso ang mga transaksyon ng mga pumipila.

Limitado kasi ang mga pinapapasok sa loob ng opisina, para matiyak na masusunod ang health protocols kontra COVID-19.

Pero, tuluy-tuloy naman ang kanilang trabaho, kahit na mayroong pandemya.

Read more...