Red-tagging at profiling sa mga organizers at volunteers ng community pantries nais paimbestigahan sa Kamara

Kuha ni Erwin Aguilon/Radyo Inquirer On-Line

Pinapaimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang ginawang profiling at red-tagging sa mga organizers at volunteers ng community pantries.

Sa resolusyon ng Makabayan bloc, inaatasan ang House Committee on Human Rights na siyasatin “in aid of legislation” ang alegasyon ng harassment, profiling at red-tagging sa mga community pantry volunteers at organizers.

Nakasaad sa resolusyon na nitong April 20 ay napilitan ang organizer ng unang community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City na si Ana Patricia Non na magsara pansamantala dahil sa profiling na ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa kanya at sa kanyang mga volunteers.

Bukod dito, naikalat din sa social media page ng iba’t-ibang police station ang red-tagging sa mga community pantries.

Nakadagdag pa sa pagkabahala ng mga community pantries ang pahayag ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino na kailangan ng mga ito na kumuha muna ng permit dahil sa paglabag sa protocol na kalaunan ay binawi naman din ng opisyal.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 300 ang community pantries sa buong bansa.

Iginiit ng mga kongresista ng Makabayan ang magandang adhikain ng community pantries sa pagtulong sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya at kahit  ang ehekutibo ay kinikilala na rin ang magandang inisyatibong sinimulan ng community pantries .

Read more...