Hindi pa nababakunahan lahat ng mga health workers sa Pilipinas.
Ito ang pag-amin ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa joint hearing ng House Committees on Health at Trade and Industry.
Ayon kay Cabotaje, mayroon pang 11 percent ng mga health workers ang hindi pa rin nagpapabakuna kontra COVID-19.
Sa kabuuan aniya ay nasa 1.8 million health workers sa bansa ang nababakunahan hanggang noong Abril 20 dahil sa mayroong agam-agam ang ilan sa mga ito o naghihintay sa pagdating ng kanilang gustong brand ng bakuna.
Kaya naman patuloy ang kanilang pag-apela sa mga chief ng mga ospital at sa regional directors ng Department of Health na magtulungan sa paghikayat sa mga health workers na magpabakuna na.
Iginiit ni Cabotaje na ang mga health workers ang nangunguna sa laban kontra COVID-19 pandemic kaya mahalagang mabakunahan ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Mayroon aniyang mga proposal sa ngayon na gawing mandatory ang pagbakuna ng mga health workers, subalit ang overriding principle pa rin aniya sa kasalukuyan ay boluntaryo pa rin ito dapat.