Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang isang 18-anyos na babae matapos mamatay ang kanyang anim na buwang sanggol sa Taguig City.
Sa ulat ng pulisya, nagising ang suspek na si Christine May Dabuit, residente ng Barangay Upper Bicutan, pasado alas- 12 ng hapon dahil sa pag-iyak ng kanyang anim na buwang gulang na anak.
Sa pagkabuwisit, dumampot ng yantok si Dabuit at ilang beses na pinagpapalo ang kanyang anak hanggang sa mahirapan nang huminga ang sanggol.
Isinugod ang biktima ng kanyang ina sa Barangay Upper Bicutan Health Center ngunit pinayuhan ito na dalhin sa ospital ang sanggol.
Idineklarang dead on arrival sa Taguig – Pateros District Hospital ang biktima.
Ang kapatid ni Dabuit, si Monique Mata, ang complainant sa kaso at aniya inampon niya ang pamangkin noong ito ay dalawang buwang gulang pa lamang ngunit isinoli sa suspek noong Abril 1 nang mawalan siya ng trabaho.
Base sa autopsy report, abdominal trauma ang ikinamatay ng biktima at dahil sa pagpalo sa kanya ay may mga namuo na dugo sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan, maging sa mukha.