Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police – Maritime Group (PNP – MARIG), at ilang concerned citizen ang pito sa 20 napaulat na nawawalang crew members ng LCT Cebu Great Ocean sa Surigao del Norte, araw ng Miyerkules.
Ang nasabing barko ang sumadsad sa baybaying sakop ng Barangay Cantapoy sa Malimono.
Base sa progress report ng PCG Station Surigao del Norte bandang 7:00 ng umaga, narito ang mga nasagip na crew members:
1. Noli Labucay
– nailigtas sa bahagi ng Barangay Cayawan, Malimono dakong 9:05, Martes ng gabi; Binibigyan na ng medical assistance sa Malimono Regional Health Unit
2. Roger Polo (Chief Mate)
3. Arjie Bacarra
4. Joejie Villanueva
– nailigtas sa bahagi ng Barangay Balite, San Francisco bandang 4:30, Miyerkules ng madaling-araw; Binibigyan na ng medical assistance sa Caraga Regional Hospital
5. Felipe Quebuen
– inasistihan ng isang concerned citizen dakong 6:19, Miyerkules ng umaga; Binibigyan na ng atensyong medikal sa Caraga Regional Hospital
6. John Renzo Guanzon
– inasistihan ng isang residente sa Malimono bandang 6:00 ng umaga; Ginagamot na sa Malimono Regional Health Office
7. Hindi pa matukoy na crew member
– natagpuan sa bahagi ng Barangay Jubgan, San Francisco bandang 5:30, Miyerkules ng umaga
Samantala, tatlong crew members naman ang napaulat na nasawi.
Natagpuang wala nang buhay si Norman Galon ng mga residente sa baybayin ng Barangay Balite, San Franciso, habang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawa pang crew members na natagpuan naman sa Barangay Jubgan.
Bandang 1:00 ng hapon, ipinagpatuloy ng PCG at PNP – MARIG search and rescue (SAR) operations para hanapin ang iba pang nawawalang crew members.
Nag-deploy na ang ahensya ng land mobility vehicle para magsagawa ng patrol operations sa mga baybayin ng Malimono at San Francisco.
Samantala, ilang PCG personnel ang patuloy na naghahatid ng tulong sa mga nailigtas na crew member sa Malimono Regional Health Unit at Caraga Regional para sa kanilang agarang paggaling.
Base sa inisyal na panayam sa mga survivor, napag-alaman ng PCG Station Surigao del Norte na ang LCT Cebu Great Ocean at nakaangkla sa dagot na sakop ng Jabonga, Agusan del Sur nang mangyari ang aksidente.
Dahil sa masungit na panahon at rough sea condition, naputol ang anchor chain ng barko at dito na nagsimulang pumasok ang tubig-dagat na naging dahilan ng pagbaha sa loob ng barko.
Sa kasagsagan nito, idineklara na nila itong ‘abandon ship’ at tumalon sa dagat.
Sa pamamagitan ng pinaghatiang life jackets at life rings, nanatili silang nakalutang sa dagat sa nakalipas na dalawang araw, hanggang sa umabot sa dagat na sakop ng Surigao del Norte nang masagip.