Binay gumamit na ng FB sa kampanya kontra Duterte

DUTERTE AT PROVINCIAL CAPITOL OF RIZAL / MARCH 7, 2016 Presidential candidate Mayor Rodrigo Duterte gestures during a visit at the Provincial Capitol of Rizal on Monday, March 7, 2016. INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE
INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE

Idinaan na ni Vice President Jejomar Binay sa Facebook ang kanyang apela sa publiko na huwag iboto bilang pangulo ng bansa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Binay sa naturang video na may titulong “Right of Life” na si Duterte ang utak ng kinatatakutang Davao Death Squad na nasa likod ng maraming kaso ng summary executions.

Sa nasabing 1-minute 55-second video clip ay idinetalye ni Binay ang posibleng kahinatnan ng bansa sakaling manalo si Duterte.

“Hi, magandang umaga po sa inyong lahat. Napapanahon po tayo ngayon na harapin na ito ay moral responsibility natin, sa ating pagkatao, at ating kausapin ang ating mga kababayan na huwag iboto, hindi dapat maging pangulo ang isang tulad ni Mr. Duterte”.

Dagdag pa ni Binay “Bakit? Kasi tuloy tuloy ho ang pagyayabang at pagsasabi ni Mr. Duterte na pag siya ay naging pangulo, ipagpapatuloy niya ang pagpatay sa mga napagbibintangan niyang may ginawang kasalanan na paglabag sa batas at ang napapatay niya bata, magkakapatid na apat at yun po ay mga bagay-bagay na hindi niya itinatanggi”.

Para sa pangalawang pangulo, mas magiging malala ang sitwasyon ng Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration kumpara sa panahon ng martial law.

“Mga kababayan, tutulan po natin ito. Hindi po dapat manaig ito. Tayo po ay nanlaban sa Martial Law, eh itong sinasabi po ni Mr. Duterte, masahol pa sa Martial Law”.

Ang video clip ay ini-upload kaninang umaga lamang, isang araw makaraang manguna si Duterte sa pinaka-huling Pulse Asia survey.

Read more...