2 milyong vaccine doses, darating sa Pilipinas sa Abril – Galvez

Photo grab from PCOO Facebook video

Inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na aabot sa dalawang milyong COVID-19 vaccine doses ang inaasahang darating sa Pilipinas sa buwan ng Abril.

Sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi (April 20), sinabi ni Galvez na 500,000 doses ng CoronaVac, bakunang gawa ng Sinovac BioTech, ang maide-deliver sa bansa sa Abril 22.

Darating din aniya sa kaparehong petsa ang Sputnik V vaccines na gawa ng Gamaleya mula sa Russia.

Maliban dito, karagdagang 500,00 doses ng CoronaVac at 480,000 Sputnik vaccines ang darating sa bansa sa April 29.

Maaari rin aniyang dumating ang 195,000 Pfizer vaccines mula sa COVAX facility sa pagtatapos ng Abril.

Ayon kay Galvez, inaasahang sa buwan ng Hunyo, Hulyo o Agosto bubuhos ang pagdating ng suplay ng mga bakuna sa bansa.

“So Mr. President, ine-expect po natin na sa June, July, August, doon na po bubuhos po ‘yung ano natin.. ‘yung mga na-order na mga vaccine. Aabot po ng 10 to 15 million na po ang darating by August na po ‘yun, so ‘yun po ang prediction po natin,” pahayag nito.

Matatandaang noong April 11, dumating ang 500,000 Sinovac vaccines sa bansa.

Samantala, sinabi ni Galvez na umabot na sa 1,279,223 ang bilang ng mga Filipino na naturukan na ng COVID-19.

Nasa 965,960 healthcare workers (A1 priority group), 132,948 senior citizens (A2 priority group), at 180,315 indibiduwal na may comorbidities (A3 priority group) ang nabigay ng first dose habang 198,534 naman ang second dose.

Base pa sa datos na inilabas ni Galvez, nasa 1,477,757 na ang bilang ng mga bakunang naibigay.

Read more...