Nagpasaklolo na sa abogado ang Grab driver sa viral video na ‘lugaw is not essential’ at may-ari ng lugawan na nangyari sa Barangay Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Marvin Ignacio, nakaranas siya ng harrassment mula sa mga tanod bayan ng Barangay Muzon.
Wala pa aniya ang viral video ay palagi ng dumadaan sa Lugaw Pilipinas ang mga bantay bayan at pinagsisigawan silang mga Grab rider at tinatakot din ang mga staff ng lugawan.
Mayroon din aniya itong natanggap na mensahe ng pagbabanta sa kanyang Facebook messenger na labis nitong ikinabahala.
Natatakot aniya ito sa kanyang buhay ganon din sa kanyang pamilya dahil alam ng mga opisyal ng barangay kung saan sila nakatira.
Dahil aniya sa nangyari, naghanap sila ng iba na maaring tirahan at upang makapagpatuloy ng trabaho.
Nais aniya nito na hindi pamarisan ang ginawa sa kanila ng mga opisyal ng barangay kaya magsasampa ito ng kaso.
Sabi naman ni Mary Jane Ressurrection, may-ari ng Lugaw Pilipinas, nakaranas din sila ng harrassment laban sa mga tauhan ng Barangay Muzon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit napilitan na lamang silang magsara.
Simula aniya noong isang taon ay lagi silang pinupuntahan ng mga tauhan ng Barangay Muzon at tinatakot.
Nagdulot aniya ito ng takot sa kanya at mga tauhan maging sa mga Grab driver sa maaring gawin ng mga taga-barangay.
Nagkaroon na aniya sila ng pulong sa DILG pero ang sinasabi ay sa barangay sila magreklamo na mahirap para kay Mary Jane dahil mismong ang barangay sa pamumuno ni Kapitan Mar Gatchalian ang kanilang inirereklamo.
Sabi naman ni Atty. John Michael Tipon, pinag-aaralan na nila ang paghahain ng kaukulang reklamo sa piskalya laban sa pamunuan ng Barangay Muzon.
Nauna nang nag-viral ang Facebook post ni Ignacio matapos sabihin ng mga tauhan ng Barangay Muzon na hindi maari dahil ang ide-deliver niyang lugaw dahil hindi naman ito essential.
Sinabi naman ng inireklamong kapitan ng Barangay Muzon, pag-aaralan muna ng kanilang abogado ang reklamo bago ito sagutin.