Mga pumipila sa Maginhawa community pantry, dumagsa; Mga donasyon, dagsa rin

Kuha ni Erwin Aguilon/Radyo Inquirer On-Line

Maaga pa lamang ay mahaba na ang pila ng mga nais makakuha ng pagkain sa Maginhawa Community Pantry.

Umabot ng halos isang kilometro ang pila ng mga tao na ang iba ay pumila simula pa 5:00 ng umaga.

Ayon sa mga nakakuha ng tulong na pagkain, masaya sila dahil sa wala naman ang mga itong trabaho ngayon at walang pinagkakakitaan.

Kaya raw pagkasyahin sa dalawang kainan ang kanilang nakuhang tulong, ayon sa isa sa pumila.

Ang 86-anyos naman na si Lolo Paking, nakakuha rin ng pagkain sa community pantry.

Hindi na aniya siya pumila dahil pinauna na siya ng mga tao na nasa pila upang makakuha ng pagkain.

May mga pamilya na aniya ang kanyang mga anak pero mayroon itong pensyon sa gobyerno na kanilang ginagamit na mag-asawa ngunit hindi ito sapat kaya nagtungo siya sa community pantry.

Masaya naman ang nagpasimula ng community pantry na si Anna Patricia Non dahil marami itong natutulungan.

Panay din aniya ang dating ng mga nais magbigay ng kanilang donasyon na makukuha ng mga nagnanais.

Sabi ni Anna Patricia, hindi lamang ang mga pumipila ang natutulungan, maging ang mga nagbigay at gayon din ang mga tricycle driver na nawalan ng kita.

May mga sumasakay na aniya sa tricycle patungo sa community pantry upang kumuha ng pagkain at ang iba naman ay magdala ng tulong.

Dahil apektado rin ang kanyang negosyo noong muling inilagay sa ECQ ang Metro Manila, naisip nito kung paano pa ang mga sumasahod kada araw at lalo na ang mga wala talagang trabaho.

Ang mga nagnanais makakuha ng pagkain ay maaring magpunta at magbibitbit ng kanilang kailangan kahit na nakakuha na sila sa mga nakalipas na araw.

Sa ngayon aniya ay tuluy-tuloy ang pagpapadala sa kanya ng mensahe na magdadala ng kanilang mga tulong sa sinimulang community pantry.

Mayroon din aniyang nagpapadala ng cash na ipinambibili nito ng ani ng mga magsasaka.

Sa simula ay wala pa aniyang P1,000 ang aniyang pinamili para sa community pantry at dinagdagan lamang niya ito ng mga sobra nilang mga pagkain gayundin ang mga natanggap niyang ayuda at ng kanyang pamilya.

Pinagsama-sama nya ito para masimulan ang proyekto.

Tuluy-tuloy din ang dating ng mga nais itulong, tulad ng bigas, itlog, de lata at maging mga face shield.

Ngayon aniya ang ika-anim na araw ng kanyang naisip na community pantry at sa kanyang huling bilang ay nasa 100 na ito sa buong bansa.

Bukas ang Maginhawa Community Pantry simula 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.

Read more...