Karnap ang taxi na ginamit ng isang driver na suspek sa panggagahasa sa dalawang pasahero sa Mandaluyong at Rizal.
Humarap ngayong araw sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng taxi ng Legacy Transport Corporation Taxi na may plakang AAP 7886 at sinabing kinarnap ang minamaneho niyang sasakyan noong March 19.
Ayon sa driver na so Wilfredo Cabanlit, sumakay sa harap ng isang call center company sa kanto ng Emilia St. at Ibarra St. sa Palanan, Makati ang suspek at matapos ito ay nagdeklara ng holdap gamit ang baril.
Ayon kay Cabanlit, sa halip na pera ang kunin sa kaniya ay sapilitan siyang pinababa ng suspek at saka pinaharurot ang kaniyang sasakyan.
Sa deskripsyon ni Cabanlit, matangkad ang lalaking tumangay sa kaniyang taxi at kulot ang buhok na katulad din ng deskripsyon na ibinigay ng dalawang babaeng biktima ng holdap at panggagahasa sa Mandaluyong City at sa Rizal.
Ang nasabing taxi ni Cabanlit ay narekober din kalaunan sa J.P Rizal sa Cembo, Makati City. Nang matagpuan ang nasabing taxi, nakuha sa loob nito ang mga gamit na pambabae gaya ng panty, leggings, damit ng babae at dalawang bag na naglalaman ng lipstick, susi at iba pa.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton, makikipagutlungan ang ahensya sa Philippine National Police para makilala ang suspek. Dahil sa paglutang ni Cabanlit, nabuo ang hinala na maaring modus ng suspek na mang-karnap ng taxi at ito ang ginagamit niya sa panghoholdap at panggagahasa ng pasahero.
Kasabay nito, bumuo na ang Eastern Police District (EPD) ng tatlong tracker team na tutugis sa nagpapanggap na taxi driver at suspek sa panghoholdap at panggahasa.
Ayon kay Sr. Supt. Ariel Arcinas ang hepe ng EPD Directorial Staff, galing Mandaluyon Police, Makati Police at Pasay City Police ang bumubuo sa tracker team.
Sinabi ni Arcinas na kinilala na ang suspek bilang Ricky Ramos, alyas Zenki Izon na residente sa Barangay Harapin ang Bukas sa Mandaluyong City.
Sa ulat ng pulisya, January 19, February 19, March 19 nang isagawa ng suspek ang panghoholdap sa mga pasahero na ang dalawa ay ginahasa pa.