Handa ang pharmaceutical company na China Biotechnology Co. Ltd. na gumagawa ng COVID-19 vaccine na Sinopharm na magpadala ng 25 milyong doses ng bakuna sa Pilipinas oras na lumabas ang kanilang emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drugs Administration (FDA).
Ayon sa kay Atty. Mark Kristopher Tolentino, President at CEO ng MKG Universal Drugs Trading Corp. na kayang magpadala ng China Biotech ng 25 milyong doses ng bakuna sa Pilipinas.
Ang MKG Universal ang itinalagang exclusive distributor ng Sinopharm vaccine sa bansa ng China Biotech.
Nagsumite na anya sila ng emergency use authorization noon pang Enero sa FDA at hinihintay pa rin ngayon ang resulta nito.
“Once we get FDA approval, we can have the Sinopharm vaccine here in just one week, to be delivered by plane,” saad ni Tolentino.
Oras anya na makakuha ng permiso mula sa FDA, kayang mabakunahan ng Sinopharm ang buong populasyon ng bansa sa madaling panahon upang malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Nabatid na matapos ang phase 3 clinical trial ng bakuna noon pang June 2020, nakipag-ugnayan na ang gumagawa ng Sinopharm sa iba pang kumpanya sa daigdig para mapabilis ang pagdadala ng bakuna sa iba’t-ibang bansa.
Iginiit ni Tolentino, “Sinopharm is China’s best vaccine, and is strongly recommended for both the young (three years old) and the old (up to 100 years old), as well as for those with underlying diseases and comorbidities. It is also suitable for Asians.”
Sa ginawa anyang clinical trials sa noong June 2020 sa United Arab Emirates (UAE), 1,500 sa mga ito ay mga Filipino at wala namang nangyaring adverse effect.
Samantala, umaasa naman ang MKG Universal’s business partner and exclusive sales, marketing and advertising arm na ALV Consultus na kaagad maipamamahagi sa mga ospital at sa mga high-risk sa COVID-19 ang bakuna sa tulong ng mga local government units (LGUs).
Ayon kay ALV Consultus chief Arnold Vegafria, oras na makuha ng Sinopharm ang EUA sa FDA, sa loob ng isang linggo ay kayang madala sa pamamagitan ng eroplano ang nasabing bakuna.
Handa rin sabi ni Vegafria ang China Biotech na magdonate ng bakuna sa bansa upang masiguro na mayroong nakahandang supply nito.