Naniniwala si San Jose del Monte City, Bulacan Association of Barangay Council President Zosimo Lorenzo na may mga taong nag-nanais sirain ang proseso ng payout para sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng national government.
Ayon kay Lorenzo, walang gulo sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang lugar pero mayroon na nagpapakalat ng fake news para sabihan ang mga tao na maari nang magtungo sa payout center upang kunin ang kanilang ayuda.
Paliwanag nito, gusto lamang ng mga indibidwal na nasa likod nito na siraan ang pamahalaang lokal ng San Jose del Monte sa pangunguna ni Mayor Arthur Robes.
Ang nangyari anya sa Barangay Muzon, ay naranasan din sa Barangay Kaypian kung saan siya ang chairman kung saan ipinakalat sa mga tao na lahat ng nasa listahan ay sabay-sabay na bibigyan.
Paliwanag pa nito, mayroong schedule ang mga benepisyaryo na nakapaskil sa iba’t-ibang lugar sa mga barangay.
Bukod pa rito, ay tinatawagan isa-isa o kaya naman ay pinupuntahan sa bahay ang mga tatanggap ng ayuda upang sabihan ng kanilang schedule ng pagkuha ng ayuda.
Dahil dito, paalala ng opisyal sa mga benepisyaryo ng ayuda na magtungo lamang sa payout center sa araw at oras base sa kanilang schedule dahil kahit nakapila na ang mga ito at kwalipikadong tumanggap pero hindi pa naman schedule ay hindi rin mabibigyan.
Mayroon anyang 59 na barangay sa San Jose del Monte at kulang na kulang ang pondo na ibinaba ng national government kaya gumagawa sila ng paraan upang ang hindi mga kasama sa ayuda ng national government at mabigyan din ng tulong.