Isasailalim sa pagdinig ngayong araw ang bail petition para sa mga magsasakang nakakulong matapos ang kanilang kilos protesta sa Kidapawan City na nauwi sa dispersal.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na ang rekomendasyon ng piskalya ay P12,000 na bail para sa mga nakakulong na magsasaka.
Pero ang hiling aniya ng PAO sa korte ay gawin itong P2,000 lamang lalo pa at pawang mahihirap lamang at halos wala ngang makain ang mga nabilanggo.
“May hearing po ngayong tungkol sa bail nung mga nakulong (kaugnay sa Kidapawan incident). Ang recommended ng prosecutors ay 12,000 ang bail, pero ang request namin ay P2,000. Mga farmers po ito, mahihirap lang po sila wala pong pambayad,” sinabi ni Acosta.
Kasong direct assault ang isinampa laban sa kanila at aabot sa 75 na mga magsasaka ang nakakulong sa ngayon kabilang ang ilang buntis at mga matatandang babae.
Ayon kay Acosta, tumutulong na rin ang Diocese ng Kidapawan para makapangalap ng pondo na pangpiyansa sa mga nabilanggong magsasaka.
Sa datos ng grupong Solidarity Action Group for indigenous Peoples and Peasants Network (SAGIPP), tatlong buntis ang nakakulong pa sa Kidapawan Convention Center na kinabibilangan nina Arlene Candiban, 25 anyos at 6 na buwang buntis; Eliza Candiban, 22 anyos at 5 buwang buntis at si Rolinda Paonil, 34 anyos na dalawang buwang buntis.
Ang mga matatanda naman na nakakulong din sa Kidapawan Gym at sa Kidapawan Convention Center ay sina Dionisio Alagos, 60 anyos; Gerardo Pequero, 66 anyos; Crisanto Carlum, 72 anyos; Jovita Debalid, 68 anyos; Lolita Porras, 65 anyos at Valentina Berden, 78 anyos.