Nakatakda ang orihinal na iskedyul nito sa April 26.
Ngunit, nagkaroon ng schedule adjustment dahil sa lagay ng sitwasyon bunsod ng COVID-19.
Sa halip na inagurasyon, magsasagawa na lamang ng operational trial run sa April 26.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan, napagkasunduan sa railway sector meeting bago ang Holy Week na i-reset ang inauguration date upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng rail workers at commuters.
Maliban dito, hindi rin nakapunta sa trabaho o nakapasok ng Pilipinas ang foreign rail experts na mag-aasikaso ng final stages ng installation, testing, at commissioning works sa proyekto dahil sa ipinatutupad na restrictions.
Matatandaang inilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) bubble ang Metro Manila at mga kalapit na probinsya dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Excited po tayo na makitang matatapos na itong long-delayed na proyekto na nagumpisa pa nuong 2012, pero mahalaga din po na lahat tayo ay ligtas, malusog, at higit sa lahat, buhay,” paliwanag pa ni Batan.
Hanggang February 28, 2021, nasa 96.51 porsyento na ang overall progress ng LRT-2 East Extension Project, habang ang construction phase ay nasa 94.03 porsyento.
Inaasahang makukumpleto ang final stages ng installation, testing, at commissioning para sa Overhead Catenary System (OCS), power systems, at signaling ng East Extension line na naapektuhan ng COVID-19 restrictions.
Maseserbisyuhan ng dalawang bagong LRT-2 stations; Marikina at Antipolo, ang mga commuter mula Recto, Maynila patungong Masinag, Antipolo, at pabalik.
Mula sa dating tatlong oras na biyahe sa bus o jeep, inaasahang mapapabilis nito ang travel time sa pagitan ng Maynila at Antipolo ng 40 minuto.
Oras na maging fully operational, makatutulong ang East Extension line para madagdagan ang kapasidad ng LRT-2 ng 80,000 pasahero kada araw.