PCSO Board Member Sandra Cam, anak kakasuhan sa pagpatay sa Masbate vice mayor

Naniniwala ang Department of Justice o DOJ na may sapat na basehan para sampahan ng kaso si PCSO Board Member Sandra Cam at ang kanyang anak kaugnay sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III noong 2019.

Kasong murder ang kakaharapin ni Cam at anak nitong si Marcon Martin dahil sa pagpatay kay Yuson, samantalang karagdagang kaso naman dahil sa bigong pagpatay kay Alberto Alforte IV.

Bukod sa mag-ina, ayon sa Office of the Prosecutor General, kasama rin sa mga nakasuhan sina Nelson Cambaya, June Gomez, Bradford Solis, Juanito De Luna at Rigor Dela Cruz.

Una na rin nagsampa ang National Bureau of Investigation o NBI ng mga katulad na kaso laban sa mag-ina at lima pang suspek noong Pebrero 2020.

Magugunitang pinagbabaril hanggang mapatay si Yuson habang ito ay nag-aalmusal kasama sina Alforte at Wilfredo Pineda noong Oktubre 10, 2019 sa Sampaloc, Maynila.

Read more...