Walang nakikitang mali ang pamahalaang lokal ng San Jose del Monte City, Bulacan sa waiver na pinapapirmahan sa mga nakatatanggap ng ayuda.
Ayon kay Atty. Elmer Galicia, City Legal Officer ng San Jose del Monte, ito ay bilang patunay lamang na natanggap ng benepisyaryo ang pera.
Kung magkano rin sabi ni Galicia ang natanggap na halaga ay ito rin lamang ang isinusulat ng mismong tumanggap taliwas sa mga lumabas na balita.
Gagamitin din anya nila ang waiver sa liquidation ng pondo sa gagawing pag-audit ng Commission on Audit.
Paliwanag pa ni Galicia, ito ay patunay din na nauunawaan ng mga tao na ang pagtanggap ng ayuda ay naayon sa itinatadhanan ng Joint Memorandum Circular na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Deparrmtne of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND).
Ang waiver din aniya ay para sa tao lamang na tumanggap ng ayuda at maari pa rin sila dumulog sa grievance committee para naman sa kanilang kaanak kung hindi nabigyan at wala sa listahan.
Mayroong P596 milyon na pondo na inilaan ang national government sa San Jose del Monte.
Sa ilalim ng JMC, nasa kapangyarihan ng local government units (LGU) kung paano ang mga ito mamahagi ng ayuda sa kanilang mga kababayan.