Sa kaniyang liham kay Comelec Chairman Sheriff Abas noong Pebrero 15, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang sitwasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic ang nag-udyok sa kanila para hilingin ang dagdagan na honoraria para sa mga teaching at non-teaching personnel.
Nananatili pa rin aniya ang panganib sa mga guro dahil sa COVID-19.
“We also made sure that the requested amount or rates prescribed are just and reasonable,” giit ng kalihim.
Sa panukala ng DepEd, inirekomenda ang kompensasyon na P9,000 para sa Chairperson of Electoral Boards habang P8,000 naman para sa mga miyembro ng board.
Samantala, P7,000 naman ang ibibigay sa Department of Education Supervisor Official (DESO) at P5,000 sa Support Staff, habang isinasaalang-alang ang nananaig na consumer price index at inflation rate noong Enero 2021.
Maliban sa mga benepisyong mula sa Election Service Reform Act (ESRA) at ng IRR nito, humiling din ang DepEd ng P500 na COVID-19 Hazard Pay kada araw para sa mga awtorisadong poll worker.
Iginiit din na dapat ikonsidera ang probisyon ng onsite swab testing at iba pang serbisyong pangkalusugan sakaling magkakaroon ng COVID-19 cases sa gitna ng election period, P1,000 panggastos sa pagkain at tubig, at P2,000 para sa transportasyon.
Hiniling din ang pagbibigay ng honoraria sa ilang miyembro ng Comelec-DepEd Monitoring and Coordination teams sa Central at Field Offices sa ilalim ng 2022 DepEd Election Task Force.
Ang nasabing grupo ang sisiguro na mabibigyan ng sapat na impormasyon, teknikal at legal na tulong ang mga guro sa eleksyon.
Ipinanukala rin ng DepEd na dapat walong oras lamang ang trabaho ng mga guro, kasama na ang preparasyon at post-election activities.
Hiniling din ang pagbibigay ng pondo para sa maintenance at pag-aayos ng mga paaralan na gagamitin bilang voting centers.
Hinikayat naman ni Briones ang mga opisyal ng DepEd na aktibong makiisa sa eleksyon na may integridad at katapatan.