Nagsagawa ng inspeksyon si Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa Binondo-Intramuros Bridge, araw ng Huwebes (April 15).
Inihayag ng kalihim na inaasahang matatapos ang proyekto sa taong 2021 sa kabila ng nararanasang pandemya.
Nagtulungan aniya ang DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster 1 (UPMO-RMC 1) at contractor na China Road and Bridge Corporation upang mapabilis ang konstruksyon sa P3.39-billion project.
Sa ngayon, nasa 60 porsyento na ang overall progress ng two-way four-lane bridge.
Kasama sa Binondo-Intramuros Bridge Project ang konstruksyon ng basket-handle tied steel arch bridge na may habang 680 lineal meter.
Sinisimbolo ng disenyo ng arch bridge ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China na sumunod sa bagong seismic design specifications at climate change considerations.
Makatutulong ang nasabing tulay upang mapagbuti ang kapasidad ng road transport network sa Metro Manila sa pamamagitan ng panibagong fix links at dagdag na ruta na dadaan sa Pasig river.
Oras na makumpleto, aabot sa 30,000 sasakyan kada araw ang maaaring makadaan sa nasabing tulay.
Makatutulong ito para maibsan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa pagitan ng Binondo at Intramuros.
Maliban sa Binondo-Intramuros Bridge, target din ng DPWH-UPMO Operations na makumpleto ang Estrella Pantaleon Bridge na magkokonekta sa Makati at Mandaluyong sa ikatlong quarter ng 2021.