Siyam na taong pagbabawal sa pagmimina binawi na ni Pangulong Duterte

FILE PHOTO

Tuloy na ulit ang operasyon ng mga minahan sa bansa.

Ito ay matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatupad na moratorium sa pagmimina.

Base sa Executive Order Number 130 na nilagdaan ng pangulo kahapon, Abril 14,   nakasaad  na maaari nang pumasok muli ang pamahalaan sa bagong mineral agreements, alinsunod sa  Philippine Mining Act of 1995 at iba pang mga batas.

Dahil dito, maaari nang  ipagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources  ang pagbibigay at pag-iisyu ng exploration permits sang-ayon sa umiiral na batas at mga panuntunan.

Inaatasan din ang DENR na bumuo ng terms and conditions sa bagong mineral agreements kung saan magagamit nang husto ng gobyerno ang kita at shares nito sa production, kabilang na ang posibilidad  na ideklara ang mga lugar na ito  bilang mineral reservations upang makakuha ng kaukulang royalties.

Sa ilalim ng EO, inaatasan din ang DENR na i-review ang existing mining contracts at mga kasunduan para sa posibleng renegotiation sa terms and conditions na magiging katanggap- tanggap sa gobyerno at sa mining contractor.

Nakasaad din sa EO na kailangang  magpatupad ang DENR ng mahigpit na mines safety and environmental policies at mga patakaran ng Mining Industry Coordinating Council para sa lahat ng mining operations na naglalayong maoobserbahan ang  environmental protection at maging responsible ang pagmimina.

Ang pagbawi ni Pangulong Duterte sa moratorium sa pagmimina ay matapos  makapagpatupad na ng  mga bagong batas ang pamahalaan  para sa pag-rationalize ng existing revenue sharing schemes and mechanisms kasama na ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nagtatakda ng dobleng rate sa excise tax sa minerals, mineral products at quarry resources sa 4% mula sa dating 2%.

Read more...