Nangangamba ang isang environmental group sa posibilidad na kapusin ang suplay ng isda sa bansa.
Ito ay kung patuloy na mananatili sa West Philippine Sea ang mga barko ng China.
Ayon kay Villardo “Billy” Abueme, presidente ng Homonhon Environmental Rescue Organization (HERO), base sa pag-aaral ng National Task Force for West Philippine Sea, tinatayang nasa 240,000 kilo ang maaring maging fish shortage kada araw.
Ito kasi aniya ang tinatayang dami ng isda na nakukuha ng Chinese vessels kada araw sa West Philippine Sea.
Nabatid na nanatili ang mga Chinese vessels sa palibot ng Union Banks at Pag-asa Islands.
Tinatayang nasa 60 metro ang haba ng bawat barko na kayang makapangisda ng isang tonelada kada araw.
Una rito, nagpahayag ng pagkaalarma ang HERO sa ginagawang infrastructure projects ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratlys Islands sa West Philippine Sea.
Ayon kay Abueme, inuubos ng China ang eart materials, isda at marine resources ng Pilipinas.
Ang nakadidismaya anya ay ibinibenta pa ng China sa Pilipinas ang mga nahuling isda sa mas mataas na presyo.
Mas malala pa aniya ito sa ginagawang pangangamkam ng China.
Tiyak aniyang gutom ang aabutin ng mga Filipinong mangingisda sa mga Chinese.
Nanawagan din si Abueme sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na imbestigahan ang overfishing ng China sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ng National Task Force for West Philippine 240 Chinese ships ang nasa West Philippine Sea.
136 Chinese vessels ang nasa Burgos Reef (Gaven Reef), habang 9 na vessels sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef), 65 sa Chigua Reef (McKennan Reef), 6 sa Panganiban Reef (Mischief Reef), 3 sa Zamora Reef (Subi Reef), 4 sa Pag-asa Islands (Thitu Islands), 1 sa Likas Island (West York Islands, 5 sa Kota Island (Loaita Island) at 11 at Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal)