TS Surigae, mababa pa ang tsansa na magkaroon ng direktang epekto sa bansa sa susunod na tatlong araw – PAGASA

DOST PAGASA satellite image

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng bansa na may international name na ‘Surigae.’

Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm ‘Surigae’ sa layong 1,195 kilometers Silangan ng Mindanao bandang 3:00 ng hapon.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo pa-Hilagang Kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.

Sinabi ni Figuracion na mababa pa ang tsansa na magkaroon ng direktang epekto ang bagyo sa bansa sa susunod na tatlong araw.

Ngunit, magdudulot ang trough nito ng severe thunderstorms sa bahagi ng Mindanao.

Base sa forecast track, maaaring pumasok ang bagyo sa teritoryo ng bansa sa Biyernes, April 16.

Oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), tatawagin na ang bagyo na ‘Bising.’

Sa susunod na 24 oras, inaasahang magiging Severe Tropical Storm ang bagyo at aabot sa Typhoon category sa Biyernes.

Samantala, sa araw ng Huwebes (April 15), asahan pa rin ang mainit at maalinsangang panahon sa buong Luzon maliban na lamang sa mga isolated thunderstorm lalo na sa hapon o gabi.

Magiging maaliwalas din ang panahon sa Visayas at Mindanao subalit mataas ang tsansa na magkaroon ng severe thunderstorms.

Read more...