Libreng sakay sa health workers at APORs sa buong bansa, ipinag-utos ng DOTr

DOTr photo

Ipinag-utos ni Transport Secretary Arthur Tugade ang pagkakaroon ng libreng sakay sa health workers at iba pang Authorized Persons Outside of Residence (APORs).

Ito, ayon kay Tugade, ay upang makatulong sa paglaban ng pamahalaan sa COVID-19 at mabigyan ng serbisyo ang mga APOR na makarating sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at makauwi ng bahay.

Sa atas ni Tugade sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nais nito na palawakin ng ahensya ang Free Ride Service Program hindi lamang sa Metro Manila at mga kalapit na lugar kundi sa buong bansa na.

“Para ito sa mga tao. This is like a socialized transport system. Gobyerno ‘ho ang nagbabayad, sakay lang nang sakay ang tao. Ito ay tulong sa mamamayan. Sa atin ‘hong magigiting na essential workers, libre ‘ho ito dahil napapailalim po ito sa tinatawag na Service Contracting Program,” pahayag ni Tugade.

Makatutulong din aniya ito para mabawasan ang gastusin ng mga APOR at makatiyak na may masasakyan sila ngayong hindi pa lahat ng pampasaherong sasakyan ang pinapayagang makapag-byahe.

Bukod sa APORs, matutulungan din ng programa ang PUV drivers.

Dagdag ni Tugade, “Ginagawa rin ho natin ito upang madagdagan ang kitang maiuuwi ng ating mga kababayang tsuper sa kani-kanilang tahanan. Malaking bagay ito upang makatulong sa pang-araw araw nilang gastusin gaya ng pagkain, tubig, kuryente, at iba pang mahalagang pangangailangan.”

Magtatagal ang libreng sakay sa health workers at APORs hanggang sa magamit ang pondong inilaan para dito sa ilalim ng Bayanihan Law II.

Read more...