Pagsasara ng mga korte sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ, MECQ pinalawig hanggang April 30

Pinalawig ng Supreme Court ang pagsasara ng mga korte sa National Capital Region (NCR), Abra, Bulacan, Cavite, Laguna, Quirino, Rizal at Santiago City hanggang April 30, 2021.

Base sa Administrative Circular No. 22-2021 na pirmado ni Chief Justice Alexander Gesmundo, ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa mga nabanggit na lugar.

Mananatili ring sarado ang mga korte sa mga lugar na nasa localized Enhanced Community Quarantine (ECQ) at MECQ sa buong panahon ng pag-iral nito.

Maaari namang makipag-ugnayan sa mga saradong korte sa pamamagitan ng Judiciary hotlines at email addresses na makikita sa website ng Supreme Court.

“Judges may conduct fully remote videoconferencing hearings on pending cases and other matters, whether urgent or not, regardless of their physical location and without prior permission from the Office of the Court Administrator,” saad rito.

Dagdag pa nito, “The time for filing and service of pleadings and motions during this period is SUSPENDED and shall resume seven calendar days counted from the first day of physical reopening of the relevant court.”

Mananatili naman ang kinakailangang skeletal staff sa mga essential judicial office.

SC PIO

Read more...