Sa inihaing House Resolution 1707, sinabi ni Biazon na kailangang maglabas ng pahayag ang Mababang Kapulungan bilang kinakatawan ng mga miyembro ang bawat mamamayang Filipino.
Kailangan aniyang punahin ng Kamara ang ilang bagong insidente sa West Philippine Sea gaya ng pagharang ng isang barko ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong nakasakay sa isang civilian vessel sa Ayungin Shoal.
Isa pang binanggit ng kongresista ay ang presensya ng mga barko na pinaniniwalaang Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.
Kinondena rin ito ang pangha-harass ng mga pwersa ng pamahalaan ng China sa mga Pilipino sa karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Biazon, hindi dapat tumigil ang Department of Foreign Affairs o DFA sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China partikular ang patuloy na paglabag nito sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa West Philippine Sea, sa ilalim ng international laws.
Bukod dito, kailangang pagpaliwanagin ang Chinese representative sa Pilipinas ukol sa harassment o pambu-bully ng Chinese Navy vessels sa nabanggit na teritoryo.
Habang ang Department of National Defense aniya ay marapat na patuloy na magsagawa ng maritime patrols sa Philippine Exclusive Economic Zone o EEZ upang igiit at protektahan ang Karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo.