Wala pang interim results ang Food and Drug Administration (FDA) sa ginagawang clinical trials sa bakuna kontra COVID-19 na gawa ng kompanyang Johnson and Johnson.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni FDA director general Eric Domingo na patuloy pa ang ginagawang pag-aaral ng kanilang hanay sa naturang bakuna.
Sa ngayon aniya, isinumite na sa FDA ang emergency use authorization (EUA) na nakuha ng Johnson and Johnson sa Estados Unidos, sa Europa at sa World Health Organization (WHO) para sa kanilang clinical trials.
“Nakita naman din na, well, parang pumasa rin naman siya sa US at saka WHO, ibig sabihin the benefit of using the vaccine definitely mas matimbang – outweighs the harm. Kaya naman po inaaral lang din natin kapag ganito na kina-calibrate lang natin, para pag gagamitin siya nakahanda rin naman tayo kung paano iyong guidelines natin sa paggamit ng bakuna,” pahayag ni Domingo.
Sa ngayon, tanging bakuna na gawa ng Sinovac ng China at AstraZeneca ang ginagamit sa Pilipinas.