Pagpapatayo ng monumento para sa COVID-19 frontliners itinutulak sa Kamara

Isinusulong ni Manila Rep. Manny Lopez ang pagtatayo ng monumento para sa mga COVID-19 frontliners na tatawaging “Bantayog ng mga Bayaning Frontliners.”

Sa inihaing House Bill 9159 o Frontliners Recognition Act, sinabi ng kongresista na ang monumento ay magsisilbing ala-ala sa kabayanihan ng lahat ng mga frontliner ngayong Covid-19 pandemic.

Nakasaad sa panukala na pasisinayaan ang bantayog sa National Day of Mourning and Remembrance para sa COVID-19 Frontliners, na gagawing special working holiday.

Ayon kay Lopez, nararapat lamang na kilalanin ang katapangan, sipag, sakripisyo at hindi matatawarang kontribusyon ng mga frontliner ngayong panahon ng pandemya.

Sa ilalim ng panukala, lilikha ng komite na bubuo ng guidelines para sa nominasyon at pagpili ng mga pangalang ilalagay sa bantayog.

Pagkakalooban rin ng scholarship at financial assistance ang mga anak ng Frontline Heroes sa State Schools, Colleges at Universities.

 

Read more...