Panukalang Bayanihan 3, posibleng aprubahan na ng joint committee sa Kamara

Inaasahang maaprubahan na sa House joint committee ngayong linggo ang panukalang batas na nagsusulong ng Bayanihan Law 3.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, batay sa nakuha niyang mensahe ay maaaring aprubahan ng House Committee on Appropriations at Committee on Economic Affairs ang panukalang Bayanihan 3 Law.

Inaasahan ding magiging handa na ang Bayanihan 3 Bill para maisalang sa plenaryo sa muling pagbabalik-sesyon sa May 17, ayon kay Salceda.

Noong nakalipas na Biyernes ay nagpulong ang ilang lider ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco, kasama ang economic managers, upang talakayin ang COVID-19 response at mga hakbang para mapondohan ang Bayanihan 3, na ang bersyon sa Kamara ay nangangailangan ng P420 billion.

Pero ngayon, ang pondo para sa Bayanihan 3 ay ibinaba na sa P370 million, kung saan ang budget ay balak na hugutin sa mga “obese” na government owned and controlled corporations o GOCCs at iba pang tax measures.

Sa panig naman ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para maaprubahan ang Bayanihan 3 Bill.

Ani Yap, kailangang-kailangan ng mga Pilipino ang ayuda, lalo na ang mga lubos na naapektuhan ng pandemya.

Read more...