Extremist terrorist leader, nasawi sa police ops sa Marawi

Nauwi sa engkwentro ang ikinasang police operation sa Lanao del Sur na naging dahilan ng pagkasawi ng isang lider ng terrorist group na Dawlah Islamiyah, Lunes ng umaga (April 12).

Base sa intelligence reports mula sa PRO BAR at Special Action Force, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas na nagsilbi ng warrant of arrest ang mga pulis laban kay Usop B. Nasif alyas “Abu Asraf” sa bahagi ng Barangay Guimba, Marawi City bandang 3:00 ng madaling-araw.

Ito ay dahil sa kinakaharap na tatlong criminal case para sa murder at frustrated murder.

Inilabas ang warrant of arrest ni Hon. Judge Albert Quinto ng Malabang, Lanao del Sur RTC 12 Branch 11.

Si Abu Asraf ay nakalista bilang DI-ISIS Lanao Sub Leader at No. 2 Man ng Abu Zacaria.

Nagresulta ang 30 minutong engkwentro sa pagkasugat ng anim na PNP personnel at isang Army officer.

Agad isinugod ang mga sugatang sundalo at pulis sa pinakamalapit na ospital sa Marawi City.

Nadiskubre ring sugatan si Abu Asraf at asawa nitong si Khalil Mufliha matapos ang palitan ng putok ng baril.

Ngunit, idineklarang dead on arrival si Abu Asraf habang dinadala sa Amai Pakpak Medical Center.

Nakatakas naman ang iba pang armadong suspek.

Nakuha sa mga suspek ang 130 piraso ng 5.56 empty shells, 12 piraso ng 9mm empty shells, isang XRM Motorcycle, isang Glock 17 Pistol, isang pressure IED attached with battery clip, isang IED Anti-Personnel, at ilang IED components.

Sinabi ni Sinas na tuloy ang manhunt operation ng PNP, katuwang ang AFP, para maaresto ang iba pang miyembro ng teroristang grupo.

Read more...