Nagsimula na ang pagdinig ng Committee of the Whole ng Senado sa pamumuno ni Senate President Vicente Sotto III sa mga isyu na may kaugnayan sa suplay at presyo ng karne ng baboy sa bansa.
Sa kanyang unang pahayag sinabi ni Sotto na nakakalungkot na sumabay pa ang epekto ng pananalasa ng African swine fever (ASF) sa pagharap ng bansa sa pandemya dala ng COVID 19.
Umaasa ito na sa pagdinig ay makakahanap at may iba pang opsyon na mapapagkasunduan bukod sa pagpayag ni Pangulong Duterte na ibaba ang taripa sa pag-angkat ng karne ng baboy.
Samantala, si Sen. Panfilo Lacson naman ay umapila agad sa Malakanyang na bawiin ang EO 128 dahil papatayin pa nito ang lugmok ng local hog industry.
“Botcha o double-dead ang epekto ng EO 128. Bakit? Patay ang lokal na industriya ng baboy; patay din ang koleksyon ng taripa ng gobyerno. This brings me to the next point, Mr. Chairman,” sabi ni Lacson.
Hinanap naman ni Sen. Risa Hontiveros ang ibinibigay na tulong sa mga nag-aalaga ng baboy sa bansa na nasalanta ng ASF.
“Dagdag pa po dyan, kapos pa rin ang tulong ng DA para sa repopulation at proteksyon sa peligro ng muling pagkalat ng ASF. Nagtaas nga ng insurance coverage, pero nasaan ang mga baboy na i-insure?” tanong naman ng senadora.
Si Sen. Joel Villanueva ay umapila din sa pagbawi sa EO 128 at kinuwestiyon niya ang ilang hakbang ng Department of Agriculture na sa halip na makagaan sa pasanin ng mga magbabababoy ay lalo pang nagpabigat sa mga pasanin na nila.