Ito ang paglilinaw ng Department of Transportation at sinabing walang ipatutupad na pagbabago sa public transport capacity at operations ngayong umiiral na ang MECQ sa mga sakop ng NCR Plus bubble.
Samantala, tulad sa pag-iral ng ECQ, tanging mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagang sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
Kaugnay nito, ipinatitiyak ni Transport Sec. Arthur Tugade sa LTFRB ang pagbubukas ng karagdagang ruta ng pampasaherong jeepney sa Metro Manila.
Pinagbubukas din ng kalihim ang LTFRB ng karagdagang ruta ng provincial buses, alinsunod sa requirements at guidelines ng mga kinauukulang lokal na pamahalaan.
Nais din masiguro ng kagawaran na magpapatuloy ang libreng sakay sa mga healthworkers at medical frontliners sa buong bansa, gayundin ang libreng sakay sa APORs gamit ang mga jeepney at bus na bumibiyahe sa ilalim ng Service Contracting Program.
Tiniyak naman ng kagawaran na walang pagtataas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Iniutos din ni Secretary Tugade sa lahat ng transportation sectors na siguraduhin ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa mga lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.
Ayon naman sa LTFRB, 60 na karagdagang ruta ng taditional Public Utility Jeepney ang bubuksan sa NCR simula bukas, April 13.
Mayroon namang 190 na karagdagang ruta ng Provincial Public Utility Bus ang nakatakdang buksan sa araw ng Huwebes, April 15.