Ayon kay Vargas, malaking tulong sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 cases kung sa bawat LGU ay may itatalagang isang campus o paaralan bilang isolation center.
Binigyang diin pa ni Vargas ang pangangailangan sa dagdag na pasilidad dahil mismong ang mga mamamayang sa kanyang distrito ay nahihirapan nang magpaospital dahil sobra na sa kapasidad ng mga pagamutan.
Dahil kulang na kulang na sa espasyo sa mga ospital at nagbabadya pa na pumalo sa isang milyon ang COVID-19 cases sa katapusan ng Abril kaya umaapila na ang mambabatas sa pamahalaan at sa sektor ng edukasyon na tugunan na agad ang problemang ito.
Dagdag pa ng mambabatas, wala na rin namang “choice” o pagpipilian ang gobyerno kundi agresibong i-convert o gawing quarantine facilities ang mga public at private establishments bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng mga naiimpeksyon.
Pahayag ito ng mambabatas, kasunod ito ng anunsyo ng Philippine Red Cross na gagawing isolation wards ang mga campuses ng Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of the Philippines para sa mga asymptomatic at mild cases ng COVID-19 upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga tahanan.