Sen. Tito Sotto III nagpahiwatig na ng suporta na gawin krimen ang ‘red tagging’

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ikinukunsidera na niya na suportahan ang mga panukala na gawin krimen ang ‘red tagging.’

Kasunod ito ng social media post ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) chief Alex Monteagudo na ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay pinamamahayan ng mga miyembro ng isang organisasyon na kaalyado ng komunistang grupo.

Sinabi naman ni Sotto na siya ang unang makakaalam kung pinasok na ang Senado ng mga sumusuporta sa komunismo dahil aniya 1992 pa lang ay nasa Senado na siya.

“Because of this, I am now inclined to support the criminalizing of red-tagging,” Sotto told reporters on Wednesday.

Inihain ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang Senate Bill No. 2121 na layon mas mabigyan ng kahulugan at maparusahan ang krimen na ‘red tagging.’

Noong una ay hindi kumbinsido si Sotto sa katuwiran ni Drilon sa kanyang panukala.

Samantala, hiningi na ni Sotto kay Monteagudo ang listahan ng mga miyembro ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO) para maimbestigahan.

Ngunit agad din sinabi ng senador na hanggang walang paglabag sa Senate tenets ang mga empleado hanggang monitoring lang ang maari nilang magawa.

 

Read more...