Agad na sasampahan ng kaukulang kaso ng Department of Interior and Local Government ang mga barangay officials na eepal at magsasamantala sa pamamahagi ng social amelioration program o pinansyal na ayuda sa mga apektado ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ipinagbabawal sa sinumang pulitko at mga lokal na opisyal ang pamumulitika sa pamamahagi ng SAP.
Ipinagbabawal ng DILG ang paglalagay ng pangalan o kahit pa initials lang ng sinumang lokal na opisyal o pulitiko sa ipamimigay na ayuda, in cash man ito o in kind.
Bawal din aniya ang paglalagay ng larawan o logo ng pulitiko sa sobreng paglalagyan ng ayuda o sa plastic na gagamitin kung groceries ang ipamamahagi at maging ang pamumudmod ng mga polyetos.
Hindi rin aniya pinapayagan na magsabit pa ng tarpaulin kung saan mababasa ang pangalan ng pulitiko o lokal na opisyal at nakabalandra maging ang kaniyang larawan sa tarpaulin.