Programa sa bakuna ng gobyerno ipinasusuri ni Sen. de Lima

 

Taguig City government photo

Hinikayat ni Senator Leila de Lima ang gobyerno na pag-aralan at suriin ang ikinakasang programa sa pagbabakuna para mapabilis ang vaccination rollout.

Nais din nito na alisin na ang probisyon na kinakailangan kasama ang gobyerno sa pakikipagkasundo ng pribadong sektor sa mga gumagawa ng bakuna

Dapat aniya ay magtulungan ang gobyerno at ang pribadong sektor sa pagharap sa pandemya dulot ng COVID-19.

Ipinunto nito ang kabiguan ng administrasyong-Duterte na makakuha ng mga bakuna sa tamang panahon at dagdag pa niya ang kinakailangan na tripartite agreement ang nakakapagpabagal ng pagbabakuna sa mamamayang Filipino.

“We need to step up our vaccination campaign and we need to work with our private sector. Only then can we even hope for anything close to acceptable accomplishment in our fight against COVID-19. Bawat araw ng kapalpakan, may buhay na nasasayang,” sabi pa nito.

Nagpahiwatig pa ito na nagagamit sa pamumulitika ang kakulangan ng bakuna maging sa pang-iimpluwensiya.

“Kung imbes na pahirapan ang pribadong sektor na makakuha ng bakuna ay payagan natin silang tumulong ay mas marami tayong mababakunahan bago maging huli na ang lahat para sa marami nating kababayan. Panahon na siguro para bawasan nila Duque at Duterte ang pamumulitika at red tape para man lang sa ikabubuti ng ating bansa,” banat pa ni de Lima.

Read more...