Hiniling ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang rekomendasyon na itaas ang minimum access volume (MAV) ng iniaangkat na karneng baboy sa bansa.
Sa liham na may March 29, 2021 ni House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga sa Office of the President sa pamamagitan ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) hiniling nito na irekonsidera ng Palasyo ang isinusulong na pagtataas sa MAV ng imported na baboy at panatilihin sa 40% ang taripa nito.
Ang nasabing liham mula sa Kamara ay nilagdaan din ni Speaker Lord Allan Velasco at Committee on Trade and Industry Chairman at Navotas Rep. John Reynald Tiangco.
Pinangangambahan ni Enverga na kung papayagan ang mas maraming importasyon ng baboy ngunit ibababa naman ang buwis, magkakaroon aniya ng oversupply ng karne hindi lamang sa Luzon kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao na may sapat namang suplay ng karneng baboy.
Sinabi ni Enverga na nakapaloob sa mungkahi ng komite ang plano sa importasyon ng pork meat na sasapat lamang para mapunan ang supply shortage ng karne pero hindi ibababa ang buwis.
Dagdag ng mambabatas, ngayon pa lamang na nasa 40% ang tariff sa imported na karne ay nahihirapan na ang mga local hog raisers hindi hamak na mas lalong magiging counterproductive ito at sa katagalan ay tiyak na magreresulta ito ng negatibong epekto sa local hog industry kung itataas ang MAV at ibaba pa ang buwis sa imported meat.
Ang liham ay kaugnay na rin sa isinumiteng sulat ng Palasyo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagrerekomenda na itaas na sa 350,000 metric tons ang MAV ng imported pork.