Ikinabahala ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong ang paggamit ng mga Persons With Disability ID ng mga nagpapanggap lamang na may kapansanan upang mauna sa pagbabakuna.
Ayon kay Ong, dapat magpatupad ng istriktong verification procedures sa application ng PWDs na nais mabakunahan na kontra COVID-19.
Ito aniya ay para maiwasan na rin na makalusot ang mga gumagamit ng PWD identification cards na wala naman talagang kapansanan para mapasama sa mga sektor na unang makakatanggap ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ng kongresista na may mga sumbong siyang natatanggap hinggil sa isang vaccination center sa Maynila, kung saan 90 porsyento ng recipients ay pawang mga Filipino-Chinese na nagsasabing sila ay PWDs pero kung titingnan karamihan sa kanila ay malusog, fully functional at wala ring bahid ng anumang kapansanan.
Sa pakikipag-usap naman aniya nito kina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna kanyang nabatid na may mga nahuli ang mga ito na nagpapanggap na PWD sa pila ng mga nais magpabakuna.
Iginiit ni Ong na bukod sa walang kapansanan, wala rin talagang paraan ngayon kung totoong PWDs ang mga vaccine recipient.
Dapat aniyang masilip ito ng pamahalaan lalo pa at limitado pa ang bakuna kontra COVID-19 na dumarating sa Pilipinas.
Hindi aniya dapat hahayaan na makatanggap ng unang batch COVID-19 vaccines sa pagkakataon na ito ang mga hindi naman pasok sa “A” bracket ng priority groups.
Base sa panuntunan ng pamahalaan, ang unang makakatanggap ng COVID-19 vaccines ay frontline health workers, senior citizens, persons with comorbidities, frontline personnel sa essential sectors kabilang na ang mga uniformed personnel, at panghuli ang mga indigent population.
Nanawagan din ito sa mga gumagamit ng PWD na nagpapanggap na may kapansanan na ihinto na ang kanilang mga ginagawang pang-aabuso.
Ang kailangan aniya ngayong panahon ng pandemya ay pagtutulungan ng lahat.
Dahil dito, nanawagan si Ong sa Department of Health at Department of Interior and Local Government na magkaroon ng maayos na listahan ng mga Persons With Disability (PWD) sa harap ng nagpapatuloy na COVID-19 vaccination sa ilang priority sectors ng lipunan.
Ipinahahabol din ni Ong sa DOH, DILG at NCDA na habulin ang mga indibidwal na nagpapanggap na mga PWD gamit ang totoong ID.