Pagbabakuna sa mga may comorbidity at ibang medical frontliners, tuluy-tuloy

Kuha ni Erwin Aguilon/Radyo Inquirer On-Line

Tuluy-tuloy ang ginagawang pagbabakuna sa Lungsod ng Makati.

Sa Makati City Coliseum, inabutan ng Radyo Inquirer On-Line team si Romuald Ponce na 51 taong gulang at may problema sa kanyang puso na nagpapabakuna.

Sabi nito, siya ang una sa kanilang pamilya na nabigyan ng bakuna kontra sa COVID-19.

Marami aniya ang natatakot magpabakuna pero iba ang pananaw nito kaya siya mismo ay nagpaturok panlaban sa nakamamatay na sakit.

Wala rin siyang naramdaman matapos matanggap ang bakuna ng Sinovac.

Si Isidore Agtuon naman, ilang sandaling pinagpahinga matapos tumaas ang kanyang blood pressure.

Hypertensive aniya siya, diabetic at may problema sa puso kaya nung inihayag ng pamahalaang lokal ng Makati na maari na silang bakunahan ay hindi na ito nagdalawang isip at nagpalista upang mabakunahan.

Ang proseso sa Makati City, matapos makapagpatala sa BakunaMakati website ay makatatanggap ang mga ito ng text kung kailan at anong oras sila makatatanggap ng COVID-19 vaccine.

Pagdating sa vaccine site, dito beberipikahin ang kanilang mga pangalan, mayroon ding consultation at check-up sa mga doktor kung maari na sila makatanggap ng bakuna saka pa lamang tuturukan.

Kapag naturukan, bibigyan sila ng vaccination card at magpapahinga sa isang lugar para obserbahan ng 30 minuto hanggang isang oras.

Ayon naman kay Dr. Rolly Unson, assistant City Health Officer ng Makati at siya ring deputy incident commander ng incident command post for COVID-19, tuluy-tuloy ang kanilang panawagan sa mga taga-Makati na magpabakuna na.

Mayroon na naman aniya silang mahigit 12,000 na nabakunahan kasama na ang mga nasa ospital sa lungsod.

Sa ngayon aniya ang kanilang binabakunahan na ay senior citizen na frontliners at ang mayroong comorbidity.

Tuloy-tuloy aniya ang kanilang ginagawang pagbabakuna mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Linggo.

Base aniya sa kanilang monitoring, walang nagkaroon ng malalang adverse effect matapos makatanggap ng bakuna.

Sa Makati, sabi ni Dr. Unson, kasama sa kanilang binabakunahan ang medical frontliners na hindi taga-Makati pero dito nagtatrabaho.

Maliban aniya ito sa mga nagtatrabaho sa ospital ay kasama rin ang mga nasa private clinic.

Sa talaan ng Makati City, mayroong 17,000 na medical healthworkers sa Makati City.

Kaya naman inaalam ni Dr. Unson kung ang iba sa mga ito ay nagpabakuna na sa mga lugar kung saan ang mga ito nakatira.

Read more...